Sunday, August 21, 2011

Ika-100 na labas (Surot ng budhi)


 MAY mga gabing hindi ako makatulog. Iniisip ko ang mga nangyayari sa aking buhay. Hindi ako makapaniwala na hahantong ito sa ganito kagulong sitwasyon. Naitanong ko sa aking sarili kung hanggang saan ako dadalhin ng ganitong pakikipaglaro sa mag-amang Mayman.

Tama ang sinabi ng kababayan kong si Vicky na sa Saudi Arabia ay maraming nangyayaring kababalaghan. Maraming nangyayaring milagro at iyon ay hindi nalalaman ng mga naiwang asawa at anak sa Pilipinas. Ang mga pangyayari ay kadalasan nang mababaon sa kailaliman ng mainit na disyerto. Hindi mahuhukay.

Hanggang sa maiisip ko ang mga sinabi ko sa aking asawa noon. Walang mahihita sa kanya sapagkat wala siyang pangarap. Mamamatay kami ng dilat ang mga mata. Gusto ko namang makatikim ng kaginhawahan bago mamatay. Sawa na ako sa hirap. Dahil sa inggit din kaya ako nagpilit makapunta sa Saudi Arabia. Ilan sa mga kakilala ko sa aming lugar ang mga DH dito sa Saudi at kapag nagsisipagbakasyon sila ay maraming pasalubong at dalang kasangkapan. Hindi ako makapapayag na maiwanan ng aming mga kapitbahay. Kaya ko rin ang mag-DH sa Saudi. Kaya ko ring kumita ng riyal at dolar. Kaya kong bilhin ang anumang meron sila.

Kahit na anong paliwanag ng aking asawa ay hindi ko pinakinggan. Matigas talaga ang aking ulo. Kapag ginusto ko ay walang makapipigil sa akin. Gagawin ko ang lahat para makamit ang nais.

Ngayon nga’y ito ang aking nabagsakan. Hindi lamang ang pagpapaalila ang natutuhan ko kundi ang magputa. Ganito pala ang pakiramdam ng isang sinusurot ng konsensiya. Sa katindihan ng pag-iisip ay gusto kong lumabas sa gabi at tunguhin ang disyerto. Gusto kong magsisigaw doon. Ibig kong isigaw ang lahat ng laman ng aking dibdib. Pero sino naman kaya ang makaririnig sa akin. Hindi ko alam kung ano na ang nangyayari sa aking sarili. Parang ibig kong mag-suicide.

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment