Sunday, August 21, 2011

Ika-99 na labas (Nakalulusot ang hayok)


GUSTO ko nang sumuko pero hindi ko naman maintindihan ang aking sarili kung bakit pumapayag sa mga kagustuhan ni Mayman. Hindi ko malaman ang sarili kung bakit sa kabila nang pambababoy ay hindi ako makapiyok at parang laruang de-susi na sinusunod at amen nang amen sa kagustuhan ng hayok sa laman. Kung anu-anong klase ng kamunduhan ang ginawa sa akin na noon ko lamang naranasan. Sa bawat "pagpaparaos" ay may kapalit na kabayaran: malutong na riyals. Pera na matagal kong pinangarap. Iyon marahil ang dahilan kung kaya kahit na ano ang gawin sa akin ay hindi ko magawang lumaban.

Mahilig si Mayman. Kahit na walang menstruation ang kanyang sowja (asawa) na si Mrs. Mayman ay palihim na nagpupunta sa aking kuwarto ang hayok. Isa ang aking naiisip, nagsasawa na rin marahil sa putaheng dating kinakain. Gusto’y iba namang putahe. Naisip ko baka ang mga naging maid niya ay tinikman na rin ng hayok. Sa pagkaalam ko, marami nang naging maid sina Mayman: may Indonesian, Bangladeshi at Pinay nga. Ang sinundan ko ay isang Pinay din. Bigla raw umalis ang Pinay. Nakita ko pa nga ang naiwang kahon ng damit. Baka tinikman din ng hayok ang maid. Ewan ko.

Mahilig talaga si Mayman. Kahit na nga nang minsang magbakasyon ang pamilya sa Al-Khobar, kasama ako, ay nakalulusot pa rin sa sowja at pinapasok ako sa kuwarto. At hindi naman ako makapiyok.

Naging masunuring "pokpok" ako sa Saudi. Pagkatapos ng anak ay ang ama naman. Kapag wala ang anak, ang ama ang nagpapasasa. Kapalit naman niyon ay perang aking hinahanap.

May mga gabi na naiisip ko ang aking kalagayan. Kung anu-ano ang aking naiisip. Hanggang saan hahantong ang pagpapaubaya at pagpapagamit ko sa aking katawan. Hanggang kailan ako magiging manikang de-susi na tanggap na lamang nang tanggap sa isinusubo?

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment