Saturday, August 6, 2011

Ika-61 na labas (Kinabahan ako sa aking amo)

 NALIBANG ako sa mga ikinuwento ni Vicky at hindi ko namalayan ang paglipas ng oras. Mag-aala-una na pala ng hapon. Ang sabi ko kay Mrs. Mayman, bago mag-lunch ay babalik ako. Kinabahan ako. Iyon ang unang pagkakataon na lumabas ako ng bahay at nabulilyaso pa ang pangako kong pag-uwi. Kahit hindi ko pa nakikita kung paano magalit si Mrs. Mayman, nai-imagine ko nang naghihintay ito sa akin at malamang na nagsasalubong na ang kilay sa pagkainis.

Tumayo ako mabilis na dinampot ang dalawang shopping bags na nasa aking paanan.

"Aalis na ako Vicky, hinihintay ako ng aking amo," sabi ko at akmang hahakbang na palayo sa kanya. Mabilis ding tumayo si Vicky at sabay kaming lumabas ng restaurant. Wala nang gaanong tao sa restaurant ng oras na iyon. Sa pagkaalam ko kay Vicky, sa dakong gabi dumaragsa ang mga Pinoy sa Batha. Kapag gabi ng Biyernes ay masayang-masaya sa Batha sapagkat doon nagtatagpo ang magkakamag-anak, magkakaibigan at magsi-siyota.

"Ang aga pa Nelia, ba’t nagmamadali ka?"

"Ang sabi ko sa aking amo, mag-twelve e darating ako. Anong oras na ngayon?"

"Huwag kang matakot. Kapag sinaktan ka lumaban ka. Ipakita mong hindi ka maaaring apihin."

Matapang na si Vicky, naisip ko. Siguro’y ganoon ang ginagawa niya. Pero sa isip ko, di ko magagawang lumaban.

"Saan bang sa inyo?" tanong ni Vicky.

"Di ko nga alam ang eksaktong address."

"Ang tange naman nito. Gusto mo ihatid kita?"

"Huwag na."

"Telephone number mo akina."

"Di ko rin alam."

"Sus. Sige ibigay ko na lang ang number ko para kung may mangyari sa iyo, tawagan mo ko. Pati P.O. Box number ibibigay ko na rin."

Naghiwalay kami ni Vicky. Habang nasa limousine ay kinakabahan ako. Galit na galit na marahil si Mrs. Mayman sa paghihintay sa akin. Baka pagpasok ng pinto ay upakan ako ng sampal at sabunot. Inihanda ko ang aking sarili. (Itutuloy)
 Kinabahan ako sa aking amo)

No comments:

Post a Comment