Saturday, August 6, 2011

Ika-63 na labas (Awa ni Rashid)

MAHIRAP din pala ang nagsasabi ng totoo. Mabuti pang sinabi ko kay Mrs. Mayman na naligaw ako ng daan sa pagpunta sa Batha at bakasakaling naintindihan niya kung bakit hindi ako nakarating sa takdang oras. O kaya ay sinabi kong nag-overseas call ako sa Pilipinas at nalaman ko ang masaklap na balita sa aking pamilya. Sana’y nag-imbento ako ng dahilan na ang aking anak ay may malubhang sakit. Siguro ay maiintindihan ako. Sabi ng iba, nababagbag ang kalooban ng mga Saudi kapag tungkol sa pamilya ang kasangkot. Bakit hindi ko agad naisip iyon?

Nagtataka naman ako na si Mrs. Mayman lamang ang nagmumura sa akin. Si Mr. Mayman ay nasulyapan ko sa may sala at umiinom ng shay (tsa). Para bang walang anuman sa kanya ang nangyayari sa amin ni Mrs. Mayman. Tama nga siguro ang sabi ng ilan ko ng nakausap na ang mga babaing Saudi lamang ang madadakdak. Tahimik lamang ang mga lalaking amo.

Ipinagpasalamat ko na hindi naman ako sinaktan ni Mrs. Mayman. Kung magkakaganoon ay buo na ang aking plano na lumayas. Huwag lang kakantiin ang dulo ng aking daliri at tiyak na tatakbo ako palabas ng bahay at bahala na kung ano ang mangyari. Kung mahuli man ako ng pulis o motawa ay wala na akong pakialam. Ang mahalaga ay makatakas ako.

Nagdabog lamang si Mrs. Mayman at nagbagsak ng mga gamit. Tinanggap ko iyon. At pagkaraan ay nakita kong pumanhik na sa itaas.

Ako naman ay nagtungo sa aking silid at nagpalit ng damit. Paglabas ko sa aking kuwarto ay diretso ako sa kusina at nilinis ang mga kaldero na pinaglutuan ng tupa at kabsa. Hindi ko namalayan na pinano-nood pala ako ni Rashid habang gumagawa. Sa kanyang mga titig sa akin ay nagpapaabot iyon ng pagkaawa dahil sa masasakit na sinabi ng kanyang ina sa akin. Sa palagay ko gusto niyang pawiin ang nilikhang sugat ng ina sa akin. (Itutuloy)

No comments:

Post a Comment