Friday, August 5, 2011

Ika-50 na labas (Mahirap pagkatiwalaan)

 SA silong ng Batha Hotel ay may basement at doon ko nakita ang maraming kainan na pawang mga Pinoy ang handang pagkain. Mayroon ding mga tindahan doon na ang karamihan sa mga produkto ay galing sa Pilipinas. Sa pakiwari ko, ay sanay na sanay na si Vicky sa pasikut-sikot sa basement ng Batha Hotel. Ayaw ko namang ipahalata na noon lamang ako nakalabas ng "lungga". Ayaw kong pagtawanan ako ni Vicky. Si Vicky ang babaing mahirap pagkatiwalaan. Hindi ito maaaring pagsabihan ng sekreto sapagkat ititsismis sa iba. "Mahaba at matulis" ang dila ni Vicky. Alam ko sapagkat matagal na kaming magkapitbahay sa Maynila. Kilala ko na ang likaw ng bituka ni Vicky. Kaya nga ba gusto kong iwasan siya kanina. Ayaw ko na sanang magkaroon ng komunikasyon kay Vicky. Siya ay mataas lang ng konti sa akin. Sexy si Vicky na kahit tatlo na ang anak ay mukha pa ring bata at sariwa. Ang asawa ni Vicky ay family driver ng isang mayamang Intsik sa Binondo.

"Doon tayo," sabi ni Vicky. Tinungo namin ang sulok ng restaurant at pinili ang pandalawang mesa. Naupo kami. May mangilan-ngilan nang Pinoy na kumakain doon. Nakahiwalay ang upuan ng mga lalaki sa babae.

"Anong gusto mong kainin?" tanong sa akin.

"May adobong manok kaya sila diyan o kahit sinigang na talakitok?"

"Lahat meron sila. Kabisado ko na ang restaurant na ito."

"Ako ang magbabayad ng kakainin natin, Vicky," sabi ko upang hindi na makatanggi.

"Uy mukhang me naitatago ka nang dolyares ha?"

"Wala pa. Magdadalawang taon pa lang ako."

"Malaki sigurong suweldo mo ano?"

"Maliit lang."

Pinaorder ko na si Vicky makaraang abutan ko ng pera. Nang magtungo ito para pumili ng ulam ay kinabahan ako sa pagkakaupo. Saan hahantong ang pagkikita namin. Baka malaman ang aking tirahan o kaya’y ang number ng telepono. Baka madiskubre ang pakikipagrelasyon ko kay Rashid. Kailangan kong mag-ingat sapagkat si Vicky ay magaling humalungkat ng buhay nang may buhay. (Itutuloy)

No comments:

Post a Comment