Thursday, August 4, 2011

Ika-45 na labas (Kahit tawaging babaeng bayaran)

PAKIRAMDAM ko’y isa na akong putatsing makaraan ang pagtatalik namin ni Rashid at abutan niya ako ng pera. Noong una ay ayaw kong tanggapin iyon. May pagpipigil sa akin sapagkat hindi naman talaga pera ang aking hangad kundi ang mapawi ang init ng katawang dala ng kahomsikan. Isa pa nga’y nagkaroon na ako ng lihim na pagmamahal kay Rashid. Hindi ko alam kung pag-ibig ang tawag doon o likas lamang sa akin na madaling humanga sa mga lalaki lalo na kung guwapo. Pero ang pera ay hindi kasali roon. Walang kaugnayan ang pera kapalit ng aking katawan.

Tinatanggihan ko nga ang perang iniabot ni Rashid subalit mapilit naman ito. Itago ko raw. "Fi fulos!"Marami raw siyang pera. Huwag daw akong mag-alala. Ano pa ang aking magagawa. Yayakapin ko si Rashid at kung gusto pa nito ay hindi ako tatanggi. Ganoon ako tumanaw ng utang na loob. At sa pagkakataong iyon ay masasabi kong mahal ko nga si Rashid. Hindi dahil sa binibigyan niya ako ng pera kundi parang may pag-aalala siya sa akin. Tinitingnan niya ang aking kalagayan. Kung sa iba marahil mangyari ang ganoon ay baka isinuplong na sa mga motawa. Baka mag-imbento na ng kuwento. Baka ako ipakulong at biglang ipatapon sa Pilipinas.

Sa gabi kapag ako’y matutulog ay naiisip ko ang mga nangyayari sa aking buhay. Alam kong kasalanan ang aking mga ginagawa. Pumapatol ako sa ibang lalaki sa kabila na mayroon akong asawa. At muling maiisip na isa na akong "bayarang babae". Praktisan ng Arabo. "Putatsing". Subalit kapag naiisip ko naman ang kahirapan sa Pilipinas ay mabilis kong nabibigyang-dahilan ang kasalanang iyon. Kung sa Pilipinas ako magpuputatsing ay hindi ako kikita roon na gaya ng kinikita ko sa Saudi. At saka, may kakagat kaya sa akin? Hindi naman ako kagandahan iyon nga lang maganda at makinis naman ang aking balat.

At sa pagkakataon ding iyon ng pag-iisip ko sa mga samu’t saring dalahin ng aking utak ay maiisip ko ang aking asawa na walang pangarap sa buhay. Ibig na lamang maging drayber ng dyipni sa habampanahon na hindi kayang ibuhay ng pamilya ang kinikita. Kulang pa sa kanyang bibig. Hirap na hirap ang aming buhay. Isang kahig, isang tuka.

Kapag ganoon kagrabe ang alalahanin ay saka nagkakaroon ng dahilan na tama lamang ang pakikipagrelasyon ko kay Rashid. Kahit pa sabihing "putatsing" na ako o ano pa man ang itawag.(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment