Thursday, August 4, 2011

Ika-21 na labas (Hindi bolero si Rashid)

ANG hinala ko’y nakikita ni Rashid ang mabuti kong paglilingkod sa kanilang pamilya kaya nga marahil nasabi na mahusay ako. Kuwais daw ako. Iyon naman ay labis kong ikinatuwa at nasabi sa aking sarili na mabuti pa ang tinedyer at marunong i-appreciate ang aking pagsisikap at pagtitiyaga. Hindi naman sa pagbubuhat ng sariling bangko, wala akong tigil sa pagtatrabaho. Trabahong kalabaw na kung tutuusin sapagkat pagkatapos maglaba ay ang paglilinis ng bahay ang aking inaatupag. Matapos maglinis ng bahay ay ang pagwawalis sa bakuran at paglilinis pa sa garahe ang aking ginagawa. Naging maaliwalas ang bakuran mula nang linisin ko. Nagtanim pa ko ng mga halamang namumulaklak na kinuha ko sa labas ng gate. Napaganda ko ang bakuran at inaalagaan ko iyon sa dilig.

Hindi ko naman tinatanong subalit nabanggit ni Rashid sa paputol na Ingles at Arabik na ang dati raw nilang maid na Filibin ay mahinang kumilos o magtrabaho. Hindi rin daw palakibo at mas madalas na nasa kanyang kuwarto. Sinabi pa ni Rashid na hindi sila gaanong naging close ng maid.

"Fatima mafi kuwais," sabi ni Rashid. Hindi raw mahusay si Fatima na dati nilang maid. Taga-Cotabato si Fatima.

"Nelia, kuwais," sabi muli sa akin at tumawa.

Lalo namang napuno ng kasiyahan ang aking puso sa papuri ni Rashid. Masasabi kong hindi nagbibiro o binobola lamang ako ng aking among tinedyer. Sa pakiwari ko ay totoo ang kanyang papuri.

Tinanong ko kung ano ang itsura ni Fatima na dati nilang maid.

Napailing-iling si Rashid. Umasim ang mukha pagkaraan.

"Mafi kuwais, Fatima," sabi.

"Hindi maganda?" tanong ko.

"Pangith Fatima. Ikaw mas magandah."

Humagalpak na naman ako ng tawa. Masarap makipag-usap sa kumag na si Rashid.

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment