Saturday, August 6, 2011

Ika-60 na labas (Dahil sa hirap ng buhay)

MATAPANG na ang kanyang sikmura, ayon kay Vicky. At hindi lamang daw siya ang gumagawa ng ganoon. Katagalan ay nalaman niya na ang isang DH ding Pinay ay ganoon din ang ginagawa. Nagpuputa para kumita at para rin maibsan ang nadaramang uhaw at kalungkutan habang nasa Saudi. Wala na rin naman daw mawawalang dangal. Ang dangal daw ay hindi na nakikilala kapag kumukulo ang sikmura. Kapag naghihirap ay malilimutan na ang puri.

Ilang DH daw na putatsing ang kanyang nakilala. Ang katwiran ay hindi naman daw malalaman ng mga asa-asawa sa Pilipinas. Napakalayo raw ng Saudi para malaman pa ng kanilang asawa ang ginagawang "himala". Ang iba ay talagang dala ng pangangailangan ang dahilan kaya nagawang magputa. Kulang ang sinusuweldo. Kailangang may maipadala sa pamilya para kumain at mapag-aral ang mga anak.

Ikinuwento rin ni Vicky na hindi lamang mga babae at bakla ang nagpuputa sa Saudi, pati mga lalaki ay ganito na rin ang ginagawa. Kapag hindi sa Arabo, ay sa kapwa Pinoy na bakla nagbibigay ng serbisyo. Ikinuwento pa ni Vicky na isang lalaking driver na nakakuwentuhan niya ang nagtapat na pumatol siya sa mga bakla at Arabo para madagdagan ang kita. Karaniwang ang mga parukyano ng driver ay mga baklang Pinoy na nurse at yung maganda ang trabaho sa dairy at oil company. Kapag Arabo ang kustomer ay delikado raw sapagkat baka magsuplong pa sa motawa.

Marami pang ikinuwento si Vicky at nagulat ako nang malamang mag-aala-una na ng hapon. Nalibang ako. Ang sabi ko kay Mrs. Mayman bago mag-lunch ay babalik ako. Kinabahan ako. Baka saktan ako ni Mrs. Mayman. (Itutuloy)

No comments:

Post a Comment