Sunday, August 21, 2011

Ika-104 na labas (Hindi na papayag)


PARANG walang anuman kay Mayman ang ginawa sa akin. Normal lamang iyon. Bago kami lumabas ng kuwarto ay sinabi sa aking ayusin ang kama. Baka raw may makita ang kanyang zowja at malaman ang aming ginawa. Ang walanghiya at kahit na nakitang hindi ako makatayo ay nag-utos pa. Wala naman akong karapatang tumanggi. Pinalitan ko ang kubrekama at inayos ang pagkakasalansan ng mga unan. Ang carpet sa ibaba ay akin ding inayos. Natupi iyon nang bumagsak ako sa kama. Nakatingin sa akin si Mayman habang ginagawa iyon. Tiyak na walang naiwang ebidensiya sa ginawa namin.

"Jayyeb," sabi ni Mayman at kinambatan akong lumabas na. Siniguradong sarado ang kuwarto. Saka mabilis na bumaba at tinungo ang pintuan. Narinig ko ang pagbuhay ng makina ng koste at lumabas sa gate.

Hindi ko itinuloy ang ginagawa sa kusina. Bahala na kung dumating si Mrs. Mayman na hindi ko pa nalilinisan ang mga gagamitin niya sa pagluluto ng lahm qanam (karneng tupa). Kung pagalitan niya ako ay gawin na niya. Matutulog ako at bahala na. Masakit na masakit ang puwit ko. Walanghiya ka Mayman! Walanghiya! Subalit ang pagkasuklam na iyon ay pansamantalang nawala nang masalat ko sa bulsa ng daster ang ibinigay na pera. Dinukot ko iyon at isinama sa mga nakatago kong pera sa ilalim ng aking mga damit.

Nang dumating si Mrs. Mayman at nakitang hindi malinis ang mga gagamiting kaldero ay tinanong ako kung ano ang nangyari at ang mga gagamitin niya’y hindi pa malinis. Sabi ko’y maridh. Me sakit ako. Nakataas ang kilay na iniwan ako.

Kinabukasan ng tanghali ay muling dumating si Mayman at gagamitin na naman ako. Pero ang hindi niya alam ay napaghandaan ko na siya. Hindi ko na kaya ang sakit na idinulot niya kahapon. Lalaban na ako. Nakahanda na ang kutsilyo sa bulsa ng aking daster. Isang kadyot at tapos na ang paghihirap.(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment