Sunday, August 14, 2011

Ika-72 na labas (Kasunod na pangamba)


SA kabila ng magkahalong takot at pagkagimbal sa maaaring mangyari, nabuhayan ako ng pag-asa sa pagdating ni Rashid. Dapat ay nasa unibersidad na si Rashid sa mga oras na iyon. Ba’t kaya bumalik?

Mabilis akong pinalabas sa kuwarto ni Mr. Mayman. Nagkandabuhol ang dila sa pagpapalabas sa akin. Hindi malaman ang gagawin at kung ano ang dadamputin. Parang nakagawa ng krimen at may dumating na motawa at aarestuhin.

Mabilis akong lumabas sa kuwarto at bumaba sa hagdan. Nagtuloy ako sa laundry area at ipinagpatuloy ang ginagawa kanina. Ang takot ay nananatili pa rin sa akin. Kung hindi dumating si Rashid ay baka kung ano na ang ginawa ng gorilya sa akin.

Kahit nasa laundry ay narinig ko ang pagpasok ni Rashid sa main door. Mayroong sariling susi si Rashid. Narinig ko ang pagpasok sa salas at ang pagbagsak ng gamit na ipinatong sa ibabaw ng tawla(table). Saka ay narinig ko ang bagsak ng mga paa nang umakyat sa itaas. Nahulaan kong may mahalagang gamit na nakalimutan si Rashid kaya bumalik. Gamit niya sa school. Kung bakit kasi hindi yata uso sa mga Saudi ang pagdadala ng bag para mailagay ang mga gamit. Sa mga estudyanteng Saudi ay okey nang sinusunong sa ulo ang kanilang mga kuwaderno at libro.

Mga ilang minuto ay narinig ko ang mabilis na pagbaba sa hagdan. Narinig ko ang ingay sa salas. At hindi ko namalayan ay nakapasok na pala si Rashid sa laundry at sinilip ako. Nakangiti.

Kunwari ay nagulat ako at tinanong kung ano ang dahilan at bumalik siya.

"Nasiya korat qadam," sabing nakangiti. Nalimutan daw niyang dalhin ang bola pang-football.

Pagkaraan ay umalis na ito. Ilang minuto lamang ay naramdaman ko ang pag-alis ni Mr. Mayman. Sinilip ko sa butas sa laundry ang paglabas nito sa main door. Noon ako nakahinga nang maluwag.

Subalit kasunod niyo’y nangamba ako sa maaaring mangyari pa kapag kami’y napag-isa muli ng gorilya.

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment