Sunday, August 21, 2011

Ika-93 na labas (Pagkatapos ng anak)


"LA hamm," sabi ni Rashid nang sabihin ko ang posibilidad na baka mahuli kami habang "naglalaro" sa kuwarto. Huwag daw akong mag-worry at hindi kami mahuhuli. "Haza mostahil,"sabi pa. Imposible raw ang aking naiisip sapagkat ang kanyang waled at waledah ay hindi naman bumababa sa kuwarto kung gabi. May sariling comfort room sa kuwarto ng mga magulang. Isa pa, hindi talaga nakaugalian ng kanyang mga magulang na bumaba sa kanilang kuwarto. Bumababa ang kanyang waled kung alas-kuwatro ng madaling araw sa oras ng pagdarasal (salah). Siya lamang daw ang matapang na bumaba kung hatinggabi at bumibisita sa comfort room.

Pero hindi ako nagkamali sa aking inisip. Nangyari ang aking kinatatakutan na maaaring dumating sa aking kuwarto ang hayok na si Mayman at ituloy ang nauntol na paglapang sa aking katawan. Nangyari iyon dakong ala-una ng madaling araw. Muntik nang abutan ni Mayman si Rashid sa aking kuwarto. Siguro ay may limang minuto pa lamang nakaaalis si Rashid sa kuwarto nang makarinig ako ng mga yabag na pabalik-balik sa labas ng pintuan. Pinakiramdaman ko ang mga yabag. Aalis at babalik.

Naisip kong baka si Rashid iyon at may nalimutang sabihin sa akin. Pero kung si Rashid iyon, sana ay kumatok at tinawag na ako. Patuloy akong nakiramdam. Ang mga yabag ay pabalik-balik.

Nagpasya akong buksan ang pinto para malaman kung sino iyon. Dilim ang sumalubong sa akin. Hanggang sa isang mahigpit na kamay ang sumapo sa aking batok, umakbay at naigiya ako papasok sa aking kuwarto. Nang masabuyan ng liwanag ang mukha ng may-ari ng kamay na umakbay sa akin ay gusto kong sumigaw subalit walang tinig na lumabas sa aking bibig. Nakangiti ang gorilyang si Mayman sa akin.

"Maza tamalin?" tanong sa akin. (Itutuloy)

No comments:

Post a Comment