Sunday, August 14, 2011

Ika- 70 (Masaheng pinay ang hanap)


WALA akong nagawa kundi ang pumanhik sa itaas kahit na parang tinatambol na ang aking dibdib. Inihanda ko ang aking sarili sa anumang gagawin o ipagagawa ni Mr. Mayman. Kung gagahasain niya ako at sasaktan, gagawin ko ang mga sinabi ni Vicky. Tatakbo ako palabas ng bahay at walang dadalhing anuman maliban sa aking suot sa katawan. Mabilis akong tatawag ng taxi at magpahatid sa Philippine Embassy. O kaya ay tumakbo na lamang ako nang tumakbo at baka sakaling may makakitang kababayang Pinoy sa akin. Huwag daw akong titigil at gawin agad ang lahat ng paraan para makatakas.

Tinungo ko ang kuwarto nina Mr. Mayman. Nakabukas iyon nang bahagya. Pumasok ako. Malaki ang kuwarto. Nag-urung-sulong ako kung papasok sapagkat baka kung ano ang aking makita sa loob. Baka nasa tanawin siyang hindi kasiya-siya.

"Ta, al," sabi ni Mr. Mayman nang maramdaman ang aking pagpasok sa pinto.

Pumasok pa ako at nakita ko si Mr. Mayman na nakadapa sa kama. Hubad-baro at naka-puting purontong shorts. Parang gorilya sa dami ng balahibo sa binti. Parang gusto ko nang tumakbo palabas nang makita ang ayos ni Mr. Mayman na kahit na nakadapa at walang kakilus-kilos ay nagpapakitang may ipagagawang kakaiba sa akin. Inalala ko ang mga sinabi ni Vicky na kailangan ay huwag akong mauunahan ng takot. Pinakalma ko ang aking sarili.

Pinaupo ako ni Mr. Mayman sa gilid ng kama at itinuro ang bote ng lotion na nakapatong sa ulunan ng kama. Magpapamasahe sa akin ang gorilya kaya nakadapa sa kama.

Inabot ko ang lotion, binuksan at nagbuhos sa aking palad. Malagkit iyon. Hindi ko na inintindi kung ano ang amoy. (Itutuloy)

No comments:

Post a Comment