Friday, August 5, 2011

Ika-52 na labas (Mahusay mag-imbestiga)

IPINAGPATULOY ko ang pagkain at kunwari ay hindi pinapansin si Vicky. Subalit halatang gustong maurira ang aking buhay dito sa Saudi kaya hindi tumigil sa pagtatanong nang kung anu-ano. Napansin nga ang aking dalawang shopping bags at hindi ako tinantanan para hindi malaman kung kanino ang laman ng mga bag na iyon. Talagang mahusay umurira. Hindi tumitigil hangga’t hindi nakakuha ng impormasyon.

"Mga damit ‘yan ano?" tanong na parang nanghuhuli. Subalit mabilis din naman akong nakaisip ng sagot sa kanya.

"Oo, mga damit ‘yan. Binili ko sa may Al-Rahji. Mga second hand na damit ‘yan. Pasalubong ko sa pag-uwi ko."

"Naku baka may mga galis ang nagsuot niyan. Dapat hindi ka bumibili ng segunda mano. Dapat doon ka sa malaking shopping store. Gusto mo samahan kita."

"Wala naman akong ibibili. Maliit naman ang sahod ko," naisagot ko kaagad.

"E ba’t kanina nasa gintuan ka. Alahas yatang binili mo. Patingin nga!" sabi at tumawa.

"Hindi. Tumingin lang ako. Hanggang tingin lang sa alahas."

"Magkano ba ang sahod mo?" tanong pa sa akin.

"Two hundred dollars lang," sagot ko naman. Totoo naman, ganoon kaliit ang suweldo ko noon. Maraming trabaho karampot ang suweldo.

"Ay maliit nga ‘yan. Dapat mga $250 man lang sana."

"Kuripot ang amo ko."

"Ba’t di mo layasan at humanap ng iba."

"Mahirap yata iyon."

"Ba’t hihirap? Sabihin mo na maliit ang suweldo kaya gusto mo nang umalis."

"E kung ipapulis ako?"

"Hindi takot ang mga Saudi kapag magsusumbong ang kanilang maid."

Hindi ko alam kung sinusulsulan ako ni Vicky para gumawa ng masamang hakbang sa aking amo. Sinabi ko na lamang na tatapusin ko na lamang ang kontrata ko at saka magpapaalam.

"Saan ba talaga ang sa inyo para madalaw kita," pamimilit muli ni Vicky.

"Hindi ko nga alam ang pangalan ng lugar namin."

"Kakaasar ka talaga. Kung may mangyari sa iyo madali kitang mapuntahan," at bumaba ang boses.

"Mabait naman kasi ang mga amo ko. Iisa lang ang anak nila at mabait din sa akin."

Sa sinabi ko ay natigilan si Vicky at saka nagtanong.

"Gaano na ang edad ng anak nila?"

Sinabi kong binatilyo at nag-aaral sa unibersidad.

"Guwapo?"

Aywan kung bakit pati iyon ay naitanong ni Vicky. (Itutuloy)


No comments:

Post a Comment