Monday, August 15, 2011

Ika-91 na labas (Mafi-muskila)


SA mga sumunod naming pagtatagpo ni Rashid ay saka ko nalaman kung bakit hindi niya ako binibigyan ng pera. Siya na mismo ang nagsabi sa akin. Hindi na raw kasi siya binibigyan ng ekstrang pera ng kanyang waled (ama). Naging mahigpit na raw ang kanyang ama sa pera. Minsan pa nga raw ay tinanong ng kanyang waled kung nasaan ang mga ekstrang perang ibinibigay. Hindi raw niya sinabi na ang iba roon ay ibinigay niya sa akin. Ang sinabi raw niya sa ama ay ginastos sa pangangailangan sa unibersidad. Ibinili ng mga pagkain samantalang ang iba pa ay mga bola para sa kurat qadam.

"Mafi a-jeeb?" tanong ko. Mabuti at hindi nagtaka ang kanyang waled sa sinabi niyang dahilan. Hindi ba naghinala?

"La," sagot nito at nagpahiwatig na baka hindi na siya bigyan ng ekstrang pera ng ama. Kung magkakaganoon ay wala siyang maibibigay sa akin.

"Mafi muskila," 
sabi ko naman. Huwag siyang mag-alala kung hindi niya ako mabibigyan ng pera. Okey lang iyon. "La tahtama," sabi ko pa para huwag mag-alala.

"Men altafekom," 
sabi ni Rashid. Maunawain daw ako at naintindihan agad siya.

Saka sa pagkakataong iyon ko nabuksan ang tungkol sa maraming pera na nakita kong binibilang ng kanyang ama minsan. Tinanong ko si Rashid kung bakit may maraming pera ang kanyang ama.

"Fi fulos," sabi ko pa at iyon ay nakalagay sa attache case.

Napamulagat si Rashid sa tanong ko. Siya man ay nagtaka kung saan galing ang pera ng waled.

Umiling-iling si Rashid pagkatapos. Hindi raw niya alam kung bakit maraming pera ang kanyang waled.(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment