Sunday, August 14, 2011

Ika-73 na labas (Malulutong na pera)


INIISIP ko ang mga maaari pang ipagawa sa akin ni Mr. Mayman pagkatapos nang naudlot niyang pagmamasahe sa akin. Siguro’y inis na inis ito kay Rashid sapagkat hindi natuloy kung anuman ang binabalak sa akin. Kung nagkataon namang itinuloy niya ang balak ay alam ko na ang mga gagawin. Kahit na kinakabahan pa ako, magagawa ko ang mga sinabi ni Vicky sa akin.

Ang isang ikinatatakot ko ay kapag si Mrs. Mayman ang nakahuli sa amin. Halimbawa’y magpamasahe muli ang gorilya at dumating si Mrs. at naaktuhan kami, siguradong maghahalo ang balat sa tinalupan. Baka mapatay ako. Sigurado namang ididiin ako ng gorilya na siyang may kasalanan. Na ako ang nagprisintang magmasahe. At maniniwala naman kaya si Mrs. na minamasahe ko lamang ang gorilya. Hindi siguro. Ang mga babaing Saudi ay mapaghinala at selosa. Matatalas pa ang dila.

Ang pagmamasahe sa akin ni Mr. Mayman ay hindi na naulit. Nagpasalamat naman ako ng lihim. Hindi na rin ito nagpapatanghali ng pasok sa opisina. Lagi akong nakasubaybay sa kanyang mga kilos at naghahanda.

Ilang buwan ang nakalipas ay mayroon na namang pangyayaring naganap subalit hindi katulad nang nauna.

Maagang dumating si Mr. Mayman nang hapong iyon. Kinabahan na naman ako sapagkat nag-iisa na naman kami. Si Rashid ay dakong alas-tres pa darating.

Sa pagtataka ko ay naupo sa sopa sa salas si Mr. Mayman at inilabas mula sa attache case ang maraming pera. Pawang dadaaning riyals! Malulutong pa ang ilan. Para bang sadyang ipinakikita sa akin ang maraming pera. (Itutuloy)

No comments:

Post a Comment