Thursday, August 4, 2011

Ika-40 na labas (Nadilig ang disyerto)

 SA pagkakataong iyon, hindi ako ang alipin kundi ako ang amo. Si Rashid ay naging sunud-sunuran na sa akin. Ako ang tagaturo ng mga dapat gagawin sa pambihirang sesyon na iyon. Lumangitngit ang aking kama sa bigat ng mga katawang walang balot. Ang tanging saksi sa loob ng kuwarto ay ang maputlang liwanag sa aking lampshade. Ang lamig ng panahon ay hindi makapangyari kahit na walang saplot ang mga katawan. Tinatalo pa nga ang lamig na ibinubuga ng papasok na Nobyembre ng taong iyon. Masarap sa pakiramdam. Nadilig ang tigang na disyerto. Mag-iisang taon nang walang kapiling ang uhaw kong katawan. Hindi ko maipaliwanag ang sigla sa kalooban. Nalimutan ko ang lahat. Nalimutan kong may asawa akong naghihintay sa Pilipinas. Subalit ako na rin ang pumigil sa isiping iyon, ba’t ko pa iisipin ang lalaking wala namang kapanga-pangarap sa buhay.

Madaling turuan si Rashid. Kung ano ang aking iutos ay ginagawa. Hindi marunong tumutol ang alipin sa kanyang amo. Sa pagkakataong iyon ay nagawa ko siyang mas mababa pa sa alipin. Hawak ko ang lahat-lahat. Maaari kong itigil kung iibigin ko ang paglalaban. Nasa akin ang alas. Kayang-kaya ko.

At aywan ko kung bakit sa gitna ng paghahamok ay biglang sumilid sa aking isipan ang perang naiwan niya sa aking kama. Limandaang riyals iyon na magmula nang magsolo kami sa aking kuwarto ay hindi niya inungkat sa akin.

"Fi fulos, Rashid?" tanong ko at hinalikan ko ang balahibuhing dibdib.

Hindi umimik. Ipinagpatuloy ang ginagawa. Gusto kong tumawa sa pagkakataong iyon. Hindi mahalaga sa kanya ang pera. Ang kailangan niya’y abentura. Kailangan niyang matuto.

At naisip ko, baka nga ibibigay na niya sa akin ang perang iyon kapalit ng pagtuturo ko sa kanya. Maaari. Inisip ko na kung ano ang bibilhin sa perang iyon. Magandang alahas na ang mabibili niyon.(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment