Saturday, August 6, 2011

Ika-64 na labas (Mahinang katok sa pinto)

SA pagkakatitig sa akin ni Rashid alam kong nagpapaabot siya ng awa at paumanhin sa ginawang pagmura sa akin ng kanyang inang si Mrs. Mayman. Para bang gusto niyang alisin ang nalikhang sugat nang matatalim na salitang ibinigay ng ina sa akin. Para ring pinalalakas ang loob ko at nagsasabing huwag kong intindihin ang mga sinabi ng ina.

Ipinagpatuloy ko ang paglilinis sa mga kaldero. Ang maanggong amoy ng kaldero na pinaglutuan ng tupa ay nanunuot sa aking ilong. Gustong bumaligtad ng aking sikmura. Hindi ko kayang kumain ng maanggong tupa na napakaraming rekado. Pati ang mamantikang kaldero na pinaglutuan ng kabsa ay nilinis kong mabuti. Nang muli akong mag-angat ng tingin ay wala na si Rashid sa pintuan ng kusina. Siguro ay nasa may garahe at nagpapraktis sa pagsipa ng bola. Sinilip ko sa bintana at naroon nga. Sinisipa patungo sa pader ang bola. Mahusay na football player si Rashid.

Kinagabihan ay hindi ako agad nakatulog. Pasado ala-una ng madaling araw ay pabiling-biling ako sa pagkakahiga. Naalala ko ang masasakit na salitang binitiwan ni Mrs. Mayman. Okey lang iyon sapagkat kaya kong tanggapin. Kung sinaktan niya ako, baka wala na ako sa pamamahay na ito. Baka lumalaboy na ako o di kaya ay nasa Philippine Embassy na.

At nakasiya naman sa akin na si Rashid ay nagpapaabot ng kanyang suporta sa akin. Humihingi ng paumanhin sa mga masasakit na salitang ibinigay ng kanyang ina sa akin.

Dakong alas-dos ay nakarinig ako ng mahihinang katok sa pinto. Kinabahan ako kung sino iyon.(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment