Sunday, August 14, 2011

Ika-74 na labas (Tukso ang pera)


ANG nakabilot na pera ay nasa dakong sulok ng sopa na halatang nalimutang ilagay sa attache case ni Mr. Mayman. Hindi marahil nakita nang ibalik at iayos sa attache case ang mga binilang na pera. Siguro’y dahil sa pagmamadali ay hindi na pinag-aksayahan ng panahon pang siguruhin kung may nalimutan sa sopa.

Wala akong kakurap-kurap habang nakatingin sa pera na sa tantiya ko ay mga four thousand riyals. Kahit na malayo ako – mga apat na metro ang layo ay alam kong mga buong limandaanin iyon dahil sa kulay. Hindi naman gaanong umbok ang pagkakabilot kaya sigurado akong nasa apat na libo lamang iyon.

Naisip kong kunin ang pera at itago. Subalit kinabahan ako at naisip ding baka iyon ay ipinapain lamang sa akin ni Mr. Mayman. Baka sadyang iniwan niya ang perang iyon at tinetesting lamang ako kung hindi ko kukunin. Sa mga pagpapakita sa akin ng pagnanasa ni Mr. Mayman, hindi malayong ang perang nasa sopa ay sadyang inihanda niya sa akin. Para sa akin iyon kapalit ng pagpayag kong makipag-sex sa kanya. Simple ang paraan niya para hindi lumabas na garapal.

Lumunuk-lunok ako habang nakatingin sa pera. Kung makukuha ko iyon, malaking karagdagan sa aking naiipon. Marami akong mabibili sa four thousand riyals. Maraming alahas, damit, sapatos iyon. Maaari pa akong makabili ng appliances.

Humakbang ako palapit sa sopang kinaroroonan ng pera. Naisip kong hindi naman siguro malalaman pa ni Mr. Mayman kung nabawasan ang kanyang pera. Kung sadyang naiwan niya ang pera sa sopa, hindi na siguro niya maaalala kung saan niya eksakto iyon nailagay. Bakit maliit lang ang pagkakabilot niyon kumpara sa mga nakataling pera na nasa attache case niya.

Humakbang pa ako at palapit sa sopa at mabilis na dinampot ang pera.

Subalit natulig ako nang may sumigaw. Nanuot sa aking taynga.

"Shinu hada?"(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment