Thursday, August 4, 2011

Ika-35 na labas (Niyaya muli ako)

 LABIS ang aking pagtataka sapagkat nang mga sumunod na araw nga ay hindi itinatanong o bumabanggit si Rashid ng tungkol sa nahulog niyang pera sa aking kama. Kahit na nang minsang magsolo kami sa salas isang hapon na pagdating niya ay walang naitatanong sa akin. Nababahala naman ako dahil baka isiping itinago ko na ang pera niya na nagkakahalaga ng 500 riyals. Malaking halaga iyon na marami nang mabibili. Hindi ako nakatiis at kinabukasang magkasarilinan kami ay ako na ang umungkat tungkol sa kanyang pera.

"Waqada fulos," sabi kong pagaril sapagkat hindi ko kabisado kung paano sasabihin. Nakita ko ang kanyang pera sa kama. Idinugtong kong itinago ko iyon at kung gusto niya ay kukunin ko para ibigay sa kanya.

"La," sagot. Huwag daw.

"Liesh?"
 tanong ko. Bakit huwag?

Hindi ito sumagot. Hindi rin naman magawang makatingin sa akin ng tuwid sapagkat parang nahihiya sa ginawa sa akin. Pagkuwa’y iniwan ako at nagtungo sa kanyang silid sa itaas. Ako naman ay nanatili sa salas. Mga tatlong minuto marahil ay bumaba ito may dalang nakabalot sa isang brown envelope. Parang isang magazine iyon o nakatuping babasahin.

Lumapit sa akin at may ibinulong. Halos ilapit ang bibig sa taynga ko. Sabi, "Tafaddal ela telk al-ghorfa," parang nanginginig ang boses. Pumunta raw kami sa aking kuwarto at mayroon siyang ipakikita. Para akong kinabahan sa sinabi niyang iyon. Maaaring matuloy ang hindi nangyari noong nakaraang araw. Paano naman kung dumating na sina Mr. at Mrs. Mayman? Ang pag-iisip kong iyon ay nabulabog nang hawakan ako sa kamay ni Rashid.

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment