Sunday, August 14, 2011

Ika-76 na labas (Magkano ang puri)


HUMAKBANG palapit sa akin si Mr. Mayman at inihanda ko naman ang aking sarili. Kung mayroon siyang gagawin sa aking masama, tatakbo ako palabas ng bahay. Hindi ko na hahayaang makalapit pa siya at pabayaan sa kanyang gustong gawin. Hinigpitan ko ang pagkakahawak sa pera, Bahala na. May isang dipa ang layo sa akin ay tumigil si Mr. Mayman at sa aking pagtataka ay malambot na ang tinig nito nang magsalita. Para bang maamong tupa.

"Kam riyals?" Kung magkano raw ang riyals. Iyon din ang tinanong niya kanina sa akin nang padabog.

Lumuwag ang pagkakahawak ko sa riyals. Malay ko kung magkano iyon. Hindi ko naman binibilang. Pero sa pagkakahawak ko, mga four thousand marahil iyon.

"E te," sabi ni Mr. Mayman. Ibigay ko raw sa kanya ang pera.

Nakatingin siya nang matiim sa akin at para akong hinuhubaran.

Ibinigay ko agad ang pera sa kanya. Hindi na ako nanghinayang na hindi mapapasaakin iyon. Nang abutin iyon ni Mr. Mayman ay agad binilang sa harap ko.

"Khams a,laf," sabi nito. Limang libo ang perang hawak.

Nakatingin ako kay Mr. Mayman habang hawak nito ang pera. Limang libo pala. Mali ang tantiya ko. Kung hindi pala niya ako naaktuhan sa pagkuha niyon ay may limang libong riyals ako. Subalit naisip ko rin, ano kaya ang mangyayari sa akin sakali at napasakamay ko iyon. Malakas ang aking kutob na pain niya ang perang iyon sa akin na kinagat ko naman. Masyado akong natakawan sa pera.

"Arid fulos?" tanong sa akin ni Mr. Mayman. Gusto ko raw ba ng pera.

Umiling ako.

At nakita kong nanlaki ang mga mata.

"Kam el-ojra le-laila waheda?"

Gimbal ako sa tanong niya. Magkano raw ang bayad sa akin para makipag-sex? (Itutuloy)

No comments:

Post a Comment