Thursday, August 4, 2011

Ika-10 na labas (Pinay din ng ex-maid)

IPINATONG ni Rashid ang airgun sa pandak na mesa at umalis. Sinundan ko ng tingin habang papasok sa kitchen. Maginoo ito sapagkat nagpasalamat pa sa akin. Marunong din palang mag-Filipino ang aking among bata. Sabagay maski ang kanyang amang si Mr. Mayman ay marunong ding magsalita ng Filipino gaya nang kausapin ako sa King Khalid International Airport noong dumating ako.

Nalaman ko na isang Pinay din pala ang naging maid nina Mr. Mayman. Matagal din palang naglingkod sa kanila ang maid na ayon kay Mr. Mayman ay taga-Cotabato – isang Muslim. Subalit nagkasakit umano nang malubha ang maid na Pinay kaya wala sa panahon ang pag-alis. Nataon pa umano ang pag-alis noong nilusob ng Iraq ang Kuwait at nasangkot ang Saudi Arabia sa kaguluhan. Lalo pa umanong nadagdagan ang sakit dahil sa takot na baka hindi na makauwi at mamatay. Si Misis Mayman ang nagkuwento sa akin ng ilang detalye tungkol sa dating maid. Ang maid umano ang nagturo sa kanila ng Filipino. May pitong taon din daw ang maid sa kanila.

Kaya pala ang mga gamit sa naratnan kong kuwarto ay nahalata kong gamit ng Pinay. Malinis ang ilang damit na siguroi’y hindi na dinala sa pag-uwi dahil sa pagmamadali. May mga nakuha pa akong sulat sa cabinet ng damit. Mga sulat na galing sa pamilya nito sa Cotabato.

Hindi na ako nagtataka kung bakit marunong magsalita ng Filipino si Rashid. Natuto siya sa dating maid.

Minsan ay nagulat ako nang sabihin sa akin ni Rashid "Mahal kitah. Ano ka hiloh..."

Gusto kong humagalpak ng tawa.

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment