HABANG hinahango ko ang mga damit sa dryer ay napapansin ko pa rin ang anak na tinedyer ni Mr. Mayman na nakatingin sa akin. Noong una ay kinabahan ako sapagkat hindi ko naman alam kung ano ang ugali ng mga kabataan sa Saudi Arabia. Sa pagkakakuwento ng kapitbahay kong naging DH na rin dito, mga salbahe raw ang mga kabataan at kung anu-anong kalokohan ang ginagawa sa mga Pinoy. Kapag may makakasalubong na Pinoy ang mga kabataang Saudi ay pinagkakatuwaang hatawin ng itim na panaklob sa ulo. Kung minsan ay tinatamaan sa mukha at sa lakas ng pagkakahataw ay magdurugo iyon. Pagkatapos hatawin ay magtatakbuhan umano ang mga kabataan at tuwang-tuwa sa kanilang ginawa. Walanghiya umano ang mga kabataan sa Saudi.
Subalit sa pagkakasulyap ko sa anak na tinedyer ni Mr. Mayman ay nakita kong hindi naman ito pilyo. Sa tingin ko ay mahiyain pa nga ang tinedyer sapagkat nagbababa ng tingin kapag nahuhuli kong nakatingin sa akin. Para bang gustong makipagkilala sa akin. Iyon ang isang napansin ko sa mga Saudi. Ni hindi ipinakilala sa akin ni Mr. Mayman kung sinu-sino ang kanyang mga anak. Sa totoo lamang, ang tinedyer na lalaki pa lamang ang nakikita ko sa bahay. Sabagay iisang gabi pa lamang naman ako kina Mr. Mayman. Malay ko kung marami silang anak ni Misis. Ang nasagap ko pa ngang tsismis sa kapitbahay kong naging DH ay malilibog daw ang mga Saudi. Marami raw anak. Sa isang pamilya ay may anim o pitong anak. At paano pa kung dalawa ang asawa. Ang mga lalaking Muslim ay maaaring mag-asawa hanggang tatlo, base sa kanyang kakayahang pakainin ang magiging asawa at magiging anak.
Nararamdaman ko ngang gusto akong kausapin ng tinedyer na anak ni Mr. Mayman at nahihiya lamang. Ako man ay gustong malaman ang kanyang pangalan. Sa tingin ko ay mabait naman ang tinedyer. (Itutuloy)
No comments:
Post a Comment