Thursday, August 4, 2011

Ika-5 na labas (Hindi ako natatakot)

"HINDI nakaligtas sa akin ang mabilis na pagnanakaw ng tingin ng amo kong si Ibrahim Mayman sa malulusog kong dibdib. Kahit na nakasuot ako ng abaya (itim na damit ng mga babae sa Saudi) ay halata pa rin ang kalusugan ng aking dibdib. Madaling mapansin ang aking dibdib. Gayunman, mabilis na binawi ni Mr. Mayman ang pagkakatingin doon at nagpaalam na sa akin. Marahang isinara ang pinto ng kuwarto.

Ang aking kuwarto ay hindi maayos. Nagkalat ang mga basyong karton. May mga damit na nakasabog sa ilalim ng spring bed. Walang sapin ang kama na halatang matagal nang hindi nalilinis sapagkat nang ipatong ko ang aking maleta ay nabulabog ang alikabok at nakasinghot ako. May bintana ang kuwarto subalit hindi ko na iyon naisip buksan sapagkat napakalamig ng panahong iyon. Isa iyon sa mahigpit na ipinagbilin ng ahensiya na aking pinag-aplayan, huwag daw akong makalilimot magdala ng panglamig na damit at saka kumot sapagkat winter sa Saudi. Nang bumaba nga ako sa eroplano kanina ay saka ko lamang napatunayan. Totoong malamig sa Saudi sapagkat nanunuot sa aking laman at buto.

Nilinis ko ang kuwarto. Ang mga damit na nakakalat sa sahig ay inilagay ko sa karton. Ang mga damit ay pambabae na para bang sadyang iniwan doon o sa pagmamadali ay nalimutang isilid sa maleta. Malinis naman ang mga damit, iyon nga lamang, maalikabok. Ipinagpag ko ang kama at lalong nagwala ang alikabok. Ibig ko sanang punasan ng basang basahan ang sahig at ang pandak na mesa subalit ayaw ko namang lumabas ng kuwarto. Hindi ko pa alam kung nasaan ang comfort roon ng bahay na iyon.

Inilabas ko ang kumot mula sa dala kong maleta at inilatag sa kama. Makapal din ang kutson. Nang umupo ako ay lumangitngit ang spring bed. Hindi ako inaantok. Nagpalit ako ng damit at nagdaster na lamang.

Hanggang sa makaramdam ako ng pagdyinggel. Hindi maaaring isnabin at pakiramdam ko’y sasabog ang bahay-ihi ko. Ipinasya kong lumabas ng kuwarto para hanapin kung nasaan ang CR. Kapag ganoon palang dyinggel na dyinggel na e hindi iintindihin ang takot. (Itutuloy)

No comments:

Post a Comment