Thursday, August 4, 2011

KASAYSAYAN NG DOMESTIC HELPER (unang labas)

Batay sa kasaysayan ni Nelia:


"HUWAG n’yo nang ilathala ang buo kong pangalan. Isa akong domestic helper dito sa Hong Kong. Tatlumpu’t limang taong gulang na ako at may limang taon na ring naninilbihan dito. Ang akala ko’y sapat na sa akin ang magbasa ng mga isiniserye ninyo sa TC Report. Hindi ko akalain na isusulat ko rin ang aking kasaysayan at ipadadala sa inyo upang mailathala rin.

Siguro’y kakaiba ang aking istorya kaysa sa mga nalathala n’yo na. Maaaring marami ang magtataka sapagkat isang babae pa ang nagkalakas ng loob na isulat ang kasaysayan. Sa totoo lamang, wala pa akong napagtatapatan ng aking kasaysayan dito. Maski meron akong mga kaibigan e lihim na lihim ang aking buhay. Para sa akin, ayaw ko nang malaman pa ng iba ang aking kasaysayan. Natatakot kasi ako. Wala akong lakas ng loob. Alam ko rin naman na marami ang magagalit sa akin. Naisip ko, sa inyong diyaryo ko na lamang ipagkakatiwala ang istorya ng aking buhay sapagkat alam ko naman ang kredibilidad ng Pilipino Star NGAYON na isa sa pinakamalawak na diyaryo dito sa Hong Kong. Sa totoo lamang, mabiling-mabili ang Pilipino Star NGAYON dito.

May asawa at anak ako dati. Dalawa ang aking anak. Parehong lalaki. Pero ngayon ay wala na. Nag-iisa na lamang ako sa buhay. Hindi ko na nga alam kung nasaan na sila.

Kasalanan ko naman kasi kung bakit nawala sila sa akin. Ako ang may kasalanan. Kung hindi ako naging "makati" siguro’y magkakasama pa kami. Buo pa ang aming pamilya at siguro’y maligaya.

Nasa dugo ko na nga yata ang pangangaliwa at hindi ako makaiwas sa tukso ng laman. Kakahiyang sabihin pero "mahilig" ako. Gusto ko’y sex.’’

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment