"MALAKAS ang aking loob. Iyon ang kaibhan ko sa aking asawa. Ang asawa ko’y nagkakasya na lamang sa pagiging jeepney driver. Walang pangarap na makaahon sa buhay. Tapos lamang ng high school ang mister ko. Ako ay nakatuntong ng first year college. Hindi na ako nakapagpatuloy dahil nabuntis na ako ng mister ko. Walang nagawa kundi magpakasal kami. Natutong mamuhay sa sariling kayod. Mabait ang aking asawa. Iyon nga lang mahina ang loob. Nang itulak ko para siya ang mag-Saudi ay sinabing nakararaos naman daw kami. Kumakain din naman daw kami ng tatlong beses isang araw. Nag-away kami ng mister ko dahil doon.
Sabi ko kung ayaw niyang mag-Saudi, ako ang aalis. Nakiusap sa akin na kalimutan ko na ang ambisyong iyon. Nagsisikap naman daw siya at darating din ang araw na susuwertehin din kami. Sinuyu-suyo pa ako. Saka ay sinabi na maraming napapahamak na DH sa Saudi. May niri-rape ng amo, sinasaktan, hindi pinasusuweldo at kung anu-ano pa.
Ako na likas na may katigasan din ang ulo at hindi nakikinig sa payo ay pinagtawanan lamang ang sinabi ng aking asawa. Sinabi ko na kung hindi makikipagsapalaran ay walang mangyayari sa aming buhay.
Hindi nakatutol ang aking asawa at nagulat na nga lamang ito nang aalis na ako pa-Saudi. Sa totoo lamang, ako ang naghanap ng P15,000 na pang-placement fee para lamang ako makaalis. Hindi ko na ipinaalam iyon sa aking asawa. Katwiran ko, hindi siya gagawa ng paraan sapagkat ayaw nga niyang umalis ako.
Nakarating nga ako ng Saudi at hindi ko akalain, na dito ako makapaglalaro ng apoy. At hindi sa kalahi ako nagkaroon ng relasyon kundi sa isang Saudi – sa tinedyer na anak ng aking amo. Ewan ko kung bakit bumigay agad ako sa guwapong si Rashid."
(Itutuloy)
No comments:
Post a Comment